Iniutos ni Agrarian Reform Secretary Conrado M. Estrella III ang agarang pagtanggal sa isang Contract of Service worker na tumakas mula sa mga traffic enforcers matapos siyang ma-flag down dahil sa paglabag sa batas-trapiko.
Direktang inutusan ni Secretary Estrella si Assistant Secretary Ubaldo R. Sadiarin Jr., ang direktang supervisor ng driver na si Russel Smith, na tiyaking ang empleyado ay sumuko sa mga awtoridad at ganap na tanggapin ang pananagutan sa kanyang paglabag.
“Sisantihin siya!” matibay na utos ni Secretary Estrella kay Sadiarin kasunod ng mga ulat na binanggit ni Smith ang kanyang pangalan habang siya ay hinuhuli.
“Tinuruan ako ng aking mga magulang at lolo’t lola ng simpleng pamuhay. Wala akong escort na mga pulis, at hindi ko kinakampihan ang maling paggamit ng aking pangalan,” pahayag ng hepe ng DAR bilang tugon sa mga pangyayari.
Si Smith ay na-flag down ng mga enforcers ng Quezon City noong Huwebes dahil sa iligal na pagparada o illegal parking ng gamit na sasakyan sa Timog Avenue. Makikita sa nakuhang video ng pangyayari ang pagtanggi ni Smith na magpakita ng kanyang lisensya bago kumaripas paalis.
Mariing tinanggi ni Secretary Estrella ang anumang asosasyon kay Smith at agarang inutos ang mabusising imbestigasyon sa pangyayari. Kaniya ring diniin na, anuman ang kalabasan ng imbestigasyon, ay hindi i-rerenew ang kontrata ni Smith sa kagawaran, at hindi na makakabalik kailanman sa Department of Agrarian Reform.
“Irerekomenda namin ang pagsasampa ng kaso laban kay Mr. Smith kung hihingin ng resulta ng imbestigasyon. Gayunpaman, ang Quezon City Police Department ay maari nang magsampa kung sila ay may sapat nang ebidensya,” ani Sec. Estrella.
Ipinahiwatig din ni Sec. Estrella ang taos-pusong paumanhin sa mga awtoridad na nasangkop sa pangyayari at pasasalamat sa kanilang propesyonalismo at paninindigan sa pagpapatupad ng batas.
“Ang kanilang dedikasyon sa pagpapaigting ng kapayapaan at disiplina sa kalsada sa gitna ng name-dropping at tangkang pag-iwas ay kahanga-hanga. Sinusupotahan ng Department of Agrarian Reform ang kanilang mga hakbang tungo upang mapanigurado ang accountability at upang mapanatili ang public order,” dagdag ni Sec. Estrella.
Si Smith ay itinalagang Administrative Support Staff IV na Contract of Service worker sa ilalim ng opisina ni Asst. Secretary Sadiarin.