Hindi na ikinagulat ng Securities and Exchange Commission (SEC) ang mabilis na pagbasura ng Supreme Court (SC) sa petisyon ng Rhema Int’l Livelihood Foundation laban kay Pangulong Rodrigo Duterte, SEC Chairman Emilio Aquino at iba pa.
Matatandaang una nang sinabi ni Aquino sa panayam ng Bombo Radyo na depektibo ang petisyon ng KAPA members mula pa lang sa unang pahina ng reklamo ng mga ito.
Sa nasabing dokumento, nagkabali-baliktad umano ang mga public at private respondents, habang may bahagi pa ng complaint na binabanggit ang impeachment laban kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Aniya, malinaw sa batas na Kongreso lamang ang may hurisdiksyon sa impeachment at hindi ang alinmang hukuman na nasa hanay ng hudikatura.
Bukod dito, humihirit din ang KAPA members ng P3 billion danyos dahil sa pagpapasara sa kanilang mga tanggapan.
Para kay Chairman Aquino, maituturing na “good news” ang pagkakabasura ng reklamo dahil hindi na sila maabalang sumagot pa sa depektibong petisyon.
“That’s good news. Mula umpisa, inaasahan na natin ito dahil talagang may problema ‘yung complaint nila,” wika ni Aquino.