Ikinagalak ng Securities and Exchange Commission (SEC) ang hakbang ng Department of Justice (DoJ) na tuluyan nang irekomenda ang paghahain ng kaso sa korte laban sa Kapa-Community Ministry International, maging sa founder nito na si Joel Apolinario at iba pang opisyal ng investment group.
Ayon kay Atty. Oliver Leonardo ng SEC sa panayam ng Bombo Radyo, malaking bagay ang DoJ probable cause para isulong pa ang ibang kaso kontra sa kompaniya ni Apolinario.
Hustisya rin aniya ito para sa mga naloko ng KAPA sa kanilang iligal na gawain.
“The indictment of KAPA along with its founder, officers and promoters is an affirmation of our unwavering commitment to championing investors and tackling abuses in the corporate sector,” pahayag ng SEC official.
Giit pa ni Leonardo, hindi lamang ito simpleng kaso ng panlilinlang dahil pasok din ang investment scheme sa paglabag sa Anti-Cybercrime Law dahil ginamit ng grupo ang radyo, telebisyon at internet para lamang makabiktima ng mga inosenteng investors.
Nangangako kasi ang KAPA ng 30 porsyentong return of investment sa bawat perang inilalagak sa kompaniyang ikinukubli sa pagiging religious organization.