Ipinag-utos ng Securities and Exchange Commission (SEC) ang pagpapasara sa apat na mga online lending platforms dahil sa umano’y mga paglabag sa batas.
Naglabas ng cease and desist order noong Abril 14 laban sa CashAB, CashOcean, KwikPeso at Little Cash, kasama na ang kanilang mga may-ari na CashAB Lending Co., Mimosa Credit Ltd. and Zamoya Credit Ltd.
Inatasan na rin ang mga online lending operators, kanilang mga ahente, promoters, at lahat ng kanilang mga empleyado na itigil na ang pagpapautang at iba pa nilang mga aktibidad.
Maliban dito, dapat na ring tigilan ng naturang mga online lending operators ang pag-alok at pag-advertise ng kanilang lending business sa pamamagitan ng internet.
Pinapabura na rin sa nasabing mga kompanya ang kanilang mga promotional presentations, kasama na ang mismong mga lending apps.
Paliwanag ng SEC, maliban sa kulang ang lisensya ng mga ito, bigo rin daw ang naturang mga lending firms na magbigay ng kinakailangang mga impormasyon.
Pinuna rin ng ahensya ang umano’y abusadong paraan ng kanilang paniningil sa umuutang nilang mga kustomer.