BUTUAN CITY – Magpapalabas na ng official communication sa susunod na linggo ang Securities and Exchange Commission (SEC) central office para sa lahat ng ahensiyang miyembro sa consumer net para sa tuluyang pagpapatigil ng operasyon ng Kabus Padatoon o KAPA Ministry International Inc.
Ito ang inihayag ni Butuan City Councilor Omar Andaya sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, matapos ang isinagawa nilang committee hearing kahapon kasama na ang representante mula sa SEC-Region 10 na si supervising specialist Jesher Radaza.
Ayon kay Andaya, inatasan na ng SEC ang Department of Interior and Local Government (DILG) Caraga na magsagawa ng hearing sa lungsod ng Butuan upang maipaliwanag ang katotohanan sa operasyon ng KAPA partikular na ang kanilang ipinalabas na cease and desist order upang ito’y maipatupad na sa lalong madaling panahon.
Dagdag pa ni Andaya, sa ngayon wala ng lisensiya ang KAPA matapos itong i-revoke ng SEC kung kaya’t iligal umano ang lahat ng transaksiyon nito ngunit nilinaw na hihintayin nila hanggang sa susunod linggo ang opisyal na kumunikasyon ng SEC-central office sa DILG upang makagawa na rin sila ng hakbang para sa tuluyan nang pagpapatigil ng operasyon nito sa rehiyon.