Nanindigan si Presidential Adviser for Poverty Alleviation Secretary Larry Gadon na ang mga naging pahayag ni Vice President Sara Duterte ay sapat nang basehan para sa disbarment.
Maalalang naghain ng disbarment case si Gadon laban kay VP Sara dahil sa kaniyang mga pagbabanta laban kina PBBM, First Lady Liza Araneta-Marcos at House Speaker Martin Romualdez.
Sa naturang kaso, hiniling ni Gadon sa Supreme Court (SC) na magsagawa ito ng ‘moto proprio’ disbarment proceeding laban kay Duterte.
Pinapanindigan ni Gadon na bagaman hindi pa nangyari o nagawa ang naturang banta, hindi maitatanggi na nakabuo na ng plano para patayin ang tatlong nabanggit na personalidad.
Patunay dito aniya ang paggigiit ni VP Sara na hindi ‘joke’ o biro ang kaniyang mga binitawang banta.
Maalalang sa naging sulat ni Gadon sa SC, binigyang-diin nito na ang mga pahayag ng pangalawang pangulo ay ‘illegal, immoral’ at karapat-dapat lamang na kondenahin.
Maalala ring na-disbar si Gadon dahil sa ilang binitawang komento, kasama na ang pagmumura sa harapan ng media. Tuluyang tinanggal ang kaniyang pagiging abogado noong 2023.
Hinamon din ng kalihim ang Korte Suprema na maging patas at makatarungan.