-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Nagbabala ang Securities and Exchange Commission (SEC) Legazpi sa mga potential investors na nagnanais pumasok sa investment scheme na Mer’s Business Center.

Una nang naglabas ang SEC advisory patungkol sa hindi umano rehistradong partner o korporasyon sa ilalim ng tanggapan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Atty. Norma Tan-Olaya, OIC ng SEC Legazpi, kahalintulad umano kasi ng Kapa-Community Ministry International, Inc. (KAPA) ang ginagamit nitong investment scheme.

Nag-aalok daw ito ng tinatawag na “Contractual Joint Venture Agreement” kung saan ang miyembro o business partners ay pinangangakuan ng hanggang 30% monthly interest sa isang taon o 360% sa 12 buwan na renewable sa dagdag pang 12 buwan matapos ang expiration.

Duda rin ang tanggapan sa kumakatawan ng scheme na sina Reynaldo at Roger Camingawan na makailang beses na ring naiugnay sa KAPA noon.

Samantala, hindi naman umano masabi ng komisyon kung may nag-ooperate pang KAPA ngayon sa rehiyon subalit abiso na huwag pasilaw sa laki ng pangako upang hindi maging biktima na kalauna’y siya ring nambibiktima ng iba.