Ipinag-utos ng Central Committee of the Communist Party of the Philippines (CPP-CC) sa New People’s Army (NPA) na lusubin weak points at local tyrants ng kanilang mga kalaban sa ilang mga lugar sa bansa.
Ito ay bilang bahagi ng paggunita sa ika-53 anibersaryo ng pagkakatatag ng NPA.
Sa isang pahayag ay sinabi ng CPP-CC na karapat-dapat lang na parusahan ng NPA ang mga indibidwal na tinukoy nila bilang “fascist criminal bosses” na may pananagutan daw sa dumaraming bilang ng mga umano’y extrajudicial killings at iba pang krimen upang mabigyan anila ng hustisya ang mga biktima nito.
Sa pag-aaklas ay nanawagan pa ang CPP sa NPA na magsagawa pa ng “special tactical offensives” upang ma-disable ang communication system at air assets ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Ang naturang pag-atake raw kasi ay isang epektibong pagsasabotahe sa kakayanan ng mga kalaban at makapagsagawa ng punitive measures laban sa mahihinang units at elements ng mga ito na magtutulak naman daw sa AFP na bawasan pa ang bilang ng pwersang kanilang idine-deploy laban sa mga guerilla.
Samantala, muli namang inalala at ipinaalala ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang mga buhay na nawala at nagdusa nang dahil sa mga komunista.
Ipinahayag niya ito sa bisperas ng ika-53 anibersaryo ng pagkakatatag ng New People’s Army ay sinabing marami pang maaaring gawin upang matigil na ang labanan sa bansa.
Ayon ka Lorenzana, bagama’t tinatamasa na natin ngayon ang kapayapayaan ay nagpapatuloy pa rin aniya sila sa kanilang misyon na tiyakin ang kaligtasan ng taumbayan.
Kung kaya’t patuloy niyang hinihikayat ang mga miyembro ng CPP-NPA na gamitin ang Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP), nang sa ganon ay matigil na ang ilang dekadang armed conflicts sa pagitan ng mga komunista at pamahalaan.
Sa kabilang banda naman ay nagpahayag din ang kalihim ng kanyang pag-asa na ang susunod na administrasyon ay ipagpapatuloy ang mga hakbangin na sinimulan ng gobyerno para sa kapayapaan ng buong bansa.
Ang CPP-NPA ay isang terrorist organization na binansagan ng Estados Unidos, European Union, United Kingdom, Australia, Canada, New Zealand, at Pilipinas na naitatag noong Marso 29, 1969.