GENERAL SANTOS CITY – Nagpalabas na rin ang Securities and Exchange Commission (SEC) ng advisory laban sa isa pang investment scheme sa lungsod ng GenSan.
Batay sa nasabing advisory, nakatanggap ang komisyon ng impormasyon kaugnay sa Munificence Ministry, na nagpapakilala umano bilang non-profit organization na nag-o-operate sa ilalim ng Interdenominational Evangelical Church Ministries, Inc.
Natumbok na nag-o-operate ito sa ilang bahagi ng Mindanao, partikular na sa General Santos at Tagum City.
Ini-engganyo umano nito ang publiko sa pamamagitan ng social media na mag-invest kapalit ng ipinapangakong napakalaking halaga ng interes.
Batay sa mga public posts ng Munificence Ministry, mayrron umano itong SEC Registration at nag-aalok ng interes na “45% monthly payout, 45% lock-in 4 months†sa mga investors.
Iginiiit naman ng SEC na ang sinasabing SEC Registration ng grupo ay sa Interdenominational Evangelical Church Ministries, Inc., na isang religious non-stock corporation na nakarehistro bilang isang religious organization.
Habang ang Munificence Ministry ay hindi umano rehistrado sa komisyon bilang corporation or partnership.
Kaya naman ang nasabing mga religious organization ay hindi otorisadong mag-solicit ng investments mula sa publiko, at anumang application for registration sa pagso-solicit ng investments ay hindi pahihintulutan ng komisyon.
Kasabay nito, nagbabala ang SEC sa publiko na mag-ingat at huwag nang mag-invest sa nasabing uri ng investment activity.
Matatandaang una nang nagpalabas ang komisyon ng advisory laban sa isa pang investment group na ALAMCCO, at ang KAPA na ngayon ay ipinapasara na ng pamahalaan.