KORONADAL CITY – Muling nagpalabas nang babala ang Securities and Exchange Commission (SEC) laban sa Kabus Padatoon Community International Inc. (KAPA).
Ito ay kaugnay sa disinformation campaign umano ng non-stock at independent religious corporation na inaakusahang nagpapatakbo ng fraudulent investment scheme sa Mindanao at sa iba pang mga lugar sa Pilipinas.
Ayon sa ipinalabas na statement ng SEC, naka-monitor sila sa mga pekeng impormasyon at false claims na ipinapakalat ng KAPA sa social media pati na sa radyo na na-secure na umano nila ang necessary licenses upang sila ang makapag-resume ng operasyon.
Binigyang diin ng SEC na walang katotohanan ang mga ipinapahayag ng KAPA lalo na ng mga frontliners nito sa social media at radyo na makakabalik ang kanilang operasyon at binalaang mananagot ang mga ito sa batas.
Kaugnay nito, sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay National Bureau of Investigation (NBI-12) Director Olivo Ramos, nagpapatuloy pa umano ang imbestigasyon sa mga kasong kinakaharap ng founder ng KAPA na si Pastor Joel Apolinario at CEO na si Reyna Apolinario na nagtatago pa rin sa batas hanggang sa ngayon.
Inaasahan na rin sa mga susunod na araw ang posibleng pagpapalabas ng warrant of arrest laban sa mga akusado.
Kung maaalala mismong ang Pangulong Rodrigo Duterte ang nag-utos sa NBI at CIDG na crackdown sa mga tanggapan ng KAPA dahil sa umano’y “continuing crime” bunsod na ang gawain ng mga ito ay maituturing na Ponzi scheme o investment scam.
Ang SEC at AMLC ay nauna na ring inilagay sa freeze order ang P100 million ni Apolinario at mga assets nito.
Ang lower court sa Davao ay nagpalabas na rin ng hold departure order laban sa mga opisyal ng Kabus Padatuon.