-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Nag-atubili ang mga opisyal ng Securities of Exchange Commission (SEC) sa pagkumpirma kung mayroon na bang ipinalabas na Hold Departure Order (HDO) ang Bureau of Immigration (BI) laban kay KAPA founder Pastor Joel Apolinario.

Ito’y may kaugnayan sa kinakaharap nitong non-bailable na mga kaso tulad ng syndicated estafa at large scale estafa dahil sa illegal investment scheme ng grupo.

Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo, inamin ni SEC-10 Reg Dir. Atty Reynato Egypto na kanila itong napag-usapan kasama ang mga opisyal ng NBI at DoJ ngunit wala siya sa posisyon para kumpirmahin ito.

Ayon kay Egypto, napaka-sensitibo itong bagay kung kaya’t kaniya itong ipinaubaya sa kanilang mga opisyal lalong-lalo na sa BI.

Dagdag pa nang opisyal na napakaraming koneksyon at resources si Apolinario kung kaya’t nag-iingat ang kanilang ahensiya sa paglalabas ng mga impormasyon patungkol sa mga hakbang na ginagawa laban sa KAPA.