-- Advertisements --

SEC, nagbabala laban sa Bagong Bansang Maharlika International o BBM scam na nangangako ng benipisyo mula sa gobyerno

KORONADAL CITY- Nagpalabas na ng advisory ang Enforcement and Investor Protection Department (EIPD) ng Securities and Exchange Commission (SEC) laban sa BAGONG BANSANG MAHARLIKA (BBM) INTERNATIONAL INC (BBMII) na nagsasagawa ng operasyon sa Davao Region, SOCCSKSARGEN, Cotabato City at Maguindanao Provinces.

Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Atty. Katrina Ponco-Estares, Regional Director SEC-Davao inihayag nito na ang mga tao na nasa likod ng BBMII program ang naghihikaya’t sa mga potential members sa pamamagitan ng pangako na “assured benefits” gaya ng food security, medical services, livelihood, free education at cash assistance para sa mga may edad 50 at mga senior citizens.

Ayon sa kanya ang isang myembro ay kailangan na makumpleto ang application form at magbigay ng proocessing fee na Php100 para umano sa identification card.

Paglilinaw ng abogado na kahit na SEC registered, isinailalim pa rin sa imbestigasyon ng EIPD ang BBMII at napatunayan na wala itong valid registration/license upang mag-operate o may accreditation sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Kaugnay nito, binabalaan ng SEC ang lahat na ang nasabing grupo o mga tao na nasa likod ng BBMII ay walang license to operate bilang corporation at hindi lisensiyado na magkolekta ng pera.

Nananawagan din si Atty. Estares sa lahat na huwag sumali o magpa-engganyo sa sinumang maghikayat na maging myembro ng BAGONG BANSANG MAHARLIKA (BBM) INTERNATIONAL INC. (BBMII) o mga programa nito dahil ito ay illegal.