KORONADAL CITY – Nagbabala ang Securities and Exchange Commission (SEC)-Davao Extension Office sa mga mamamayan laban sa mga ilang mga foundations o charity kung saan ginagamit ang pangalan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Batay sa inilabas na advisory, inihayag ng SEC na hindi nakarehistro sa kanilang listahan ang “President: Rodrigo Duterte Charity Foundation.”
Modus ng naturang bogus na foundation na magpapadala ng text message sa kanilang biktima na nanalo sila ng P750,000 sa pamamagitan ng isang electronic raffle ngunit hihingi umano ng pera bago ma-claim ang sinasabing premyo.
Kinumpirma ng Policy and Specialized Supervision Sector ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na peke ang nasabing electronic raffle.
Maliban dito, pinag-iingat ang mga residente laban sa apat na mga kumpanyang nanghihingi ng mga investment sa publiko na kinabibilangan ng Cashdrop, Coinmax.PH, Sharelink Ads and Cryptotrading at Lokalplate.
Maaari umanong dumulog sa tanggapan ng National Bureau of Investigation, BSP, Department of Trade and Industry (DTI) at SEC ang sinumang makakatanggap ng naturang text message upang kaagad itong maaksyonan.