KORONADAL CITY – Nagbabala muli ang Securities and Exchange Commission (SEC) sa laganap na recruitment ng mga entities na nangongolekta ng investments na walang lisensiya sa iba’t ibang probinsiya sa Mindanao maging sa social media lalo na at nasa pandemic ang bansa.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Atty. Katrina Ponco-Estares, director ng SEC Davao Extension Office, ang nasabing mga entities ay kinabibilangan ng “iWATCH PH CORPORATION, LEARN and EARN ONLINE, 247 CRYPTOTRADING FX, 247 CRYPTOTRADE ONLINE, EXCHANGESTOCK, BINARY OPTIONS TRADING at WOLVES OPTIONS , WONKACASH/WONKA CASH APP FINANCIAL CONSULTANCY SERVICES, kabilang din ang IX TRADE/IXTRADE at ang BEYOND GENERATIONS DIGITAL MARKETING SERVICES.”
Ayon kay Estares, pinapaalalahanan nila ang publiko na maging vigilant at huwag maniwala sa mga indibidwal at anumang grupo na nagsasagawa ng pangungumbinsi lalo na ngayon na mahirap ang panahon.
Ang nasabing advisory ay mababasa rin umano sa official website ng SEC.
Ipinagdiinan din nito na sinumang mahuhuli na nang-re-recruit at nangongolekta ng pera ay mahaharap sa kasong criminal sa ilalim ng Section 28 ng Securities Regulation Code.
Matatandaan na sa Mindanao mismo nagmula ang naging kontrobersiyal na KAPA ang itinuturing na pinakamalaking scam sa bansa kung saan nakakulong na ngayon ang founder na si Joel Apolinario.