-- Advertisements --

Nagbabala ang Securities and Exchange Commission (SEC) sa publiko tungkol sa mga grupong iligal na nag-aalok ng investment gamit ang cryptocurrencies, artificial intelligence (AI) at iba pang mga makabagong teknolohiya.

Sa abiso ng SEC, pinangalanan ang naturang mga grupo na Delta Crypt Limited, INVEXPERT at The Billion Coin (TBC), na nangangako raw sa publiko na lalago ang ipapasok nilang pera sa loob ng maikling panahon.

Wala umanong record ng corporation registration sa ahensya ang nasabing mga investment firms, at wala rin daw secondary license ang mga ito para mag-alok o magbenta ng securities sa bansa.

Sa ilalim ng Securities Regulation Code, maaaring patawan ng P5-milyong multa o maharap sa 21-taong pagkakakulong ang sinumang nagtatrabaho bilang salesmen, brokers, o ahente ng kaduda-dudang mga investment schemes.

Maliban pa rito, puwede ring kasuhan ng paglabag sa Bayanihan to Heal as One Act ang mga mananamantala ngayong may krisis ang bansa sa coronavirus.