CAGAYAN DE ORO CITY – Binalaan ng Securities Exchange Commission (SEC) ang publiko laban sa investment scheme na ina-alok ng isang Japhet Tabale para sa kanyang cacao business na mas kilalang Tabale Cacao Farms.
Si Tabale, ang siyang dating branch manager ng Kapa Community Ministry International Inc. na nakabasi sa General Santos City.
Sa advisory na ipinalabas ng SEC, sinabi nito na hindi dapat magpa-engganyo ang publiko sa alok ni Tabale na 100 percent na ‘return of capital at share’ sa perang i-invest sa kanyang cacao business.
Pwede umanong sapitin ng mga taong mag-invest sa cacao business ni Tabale ang sinapit ng mga Kapa victims.
Nilinaw ng SEC na ang ginawa ni Tabale na paghihikayat ng mga investors sa pamamagitan ng social media ay isang paglabag sa 2015 Implementing Rules and Regulations ng Securities Regulation Code ng ahensiya.
Hindi rin umano naka-rehistro sa SEC ang negosyo ni Tabale.
Dahil dito, nagbabala ang SEC na kanilang sampahan ng kasong kriminal ang mga tao na tatayong salesmen, brokers, dealers o ahente ng investment scheme ng dating branch manager ng KAPA.