KORONADAL CITY – Nagpalabas ng advisory ang Securities and Exchange Commission (SEC) laban sa panibagong scam na nagsasagawa ng operasyon sa lungsod ng Koronadal at iba pang lugar sa Mindanao.
Sa inilabas na babala ng Enforcement and Investment Protection Department ng SEC, nakatanggap umano sila ng impormasyon kaugnay sa grupo ng mga indibidwal na nanghihikayat sa publiko na mag-invest ng pera sa MER’s BUSINESS CENTER na pinangungunahan ni Reynaldo Abing Camingawan at Roger Abing Camingawan.
Ang MER’s BUSINESS CENTER ang nag-o-offer ng investment scheme sa publiko sa pamamagitan ng “Contractual Joint Venture Agreement” kung saan ang mga myembro o business partners ay pinapangakuan ng 30% na monthly interest for 1 year o 360% sa loob ng 12 buwan at renewable naman sa loob ng 12 buwan matapos ang expiration nito.
Ang nasabing investment plans ay ino-offer ng MER’s BUSINESS CENTER sa ibat-ibang branches ng mga ito, sa pamamagitan din ng Facebook Live posts at videos sa page ni Roger Camingawan at sa “Isumbong mo kay Kapartner Roger Camingawan” gayundin sa YouTube Channel na “Kapartner Mo Channel”.
Napag-alaman na coordinators din ang tawag ng mga ito sa kanilang mga recruiters gaya ng KAPA noon.
Nalaman din ng SEC na follower ni KAP founder Joel Apolinario na nasa kulungan na ngayon ang may-ari ng MER’s Business Center.