KORONADAL CITY – Mahigpit na nagpaalala sa publiko ang Securities and Exchange Commission (SEC) sa mga investors lalo na at laganap umano ngayon ang mga online scammers sa bansa kasabay ng nararanasang COVID-19 pandemic.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Atty. Katrina Estares, OIC-Regional Director ng Securities and Exchange Commission-Davao, hinimok nito ang mga mamamayan na huwag agad na kakagat sa mga malalaking return of investment ng mga investors na ipinapangako ng online scams para makapang-biktima sa gitna ng pandemya.
Dapat umanong sundin ang mga advisories na inilalabas ng kanilang tanggapan upang hindi na maloko pa.
Samantala, ikinagalak naman ng SEC ang pag-affirm ng Court of Appeals (CA) sa revocation ng Corporate Registration ng KAPA Community Ministry International Inc.
Ayon kay Atty. Estares, patunay lamang ito na illegal ang operasyon ng KAPA at malinaw itong isang investment scheme at illegal ang lahat ng transaction nito.
Dagdag pa ng opisyal, sa desisyon na ipinalabas ng Court of Appeals, nakitaan ang nasabing investment scheme na walang sapat na papeles para patunayan na lehitimo ang operasyon ng KAPA.