-- Advertisements --

Tahasang nagbabala ngayon ang Securities and Exchange Commission (SEC) laban sa KAPA Community Ministry International kaugnay sa kanilang patuloy pa ring pangongolekta ng investment o umano’y donasyon sa kabila ng inilabas na cease and desist (CDO) order ng komisyon.

Magugunitang batay sa CDO ng SEC, napag-alamang nangongolekta ang KAPPA ng donasyon at pinapangakuan ang mga miyembro ng 30 porsyentong kita kaya ito ay investment pero sa produkto at nagbebentang hindi naman rehistrado sa SEC.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Commission Secretary Atty. Armando Pan Jr. na maaaring maharap sa kasong sibil at kriminal ang mga pinuno ng KAPA kung patuloy silang mangongolekta ng investment, depende sa magiging resulta ng pagdinig.

Ayon kay Atty. Pan, naghain na ng entry of appearance ang abugado ng KAPA at itatakda ang pagdinig para makuha ang kanilang panig para sa patas na imbestigasyon.

Sa ngayon, patuloy daw ang monitoring ng SEC sa pamamagitan ng kanilang tanggapan sa Davao, Cagayan de Oro at Zamboanga kaugnay sa aktibidad ng KAPA.

Inihayag pa ni Atty. Pan na kung donasyon ang kinokolekta ng KAPA, dapat silang nagbabayad ng donors’ tax.

Muli namang nagpaalala ang opisyal sa mga posibleng mahikayat ng KAPA na sumangguni sa mga tanggapan ng SEC sa Mindanao para magabayan at hindi malustay ang kanilang pinaghirapang pera lalo sa investent scheme na hindi naman rehistrado at otorisado.