GENERAL SANTOS CITY – Nagpalabas ang Securities and Exchange Commission (SEC) ng advisory laban sa ALMAMICO o ALAMCCO.
Ito’y upang bigyang babala ang publiko laban sa nasabing investment scam na nag-aalok ng 35% na interes kada buwan sa kanilang mga miyembro, na kasalukuyang nag-ooperate sa Soccsksargen Region at mga karatig bayan.
Batay sa nasabing advisory, iginiit ng SEC na ang ALMAMICO (Alabel-Maasim Small Scale Mining Cooperative) o ALAMCCO (Alabel-Maasim Credit Corporation) ay parehong hindi rehistrado sa komisyon bilang isang korporasyon o partnership man.
Kaya naman hindi ito pinapahintulutang mag-alok, mag-solicit, magbenta o mag-distribute ng investment o securities sa publiko, dahil ito’y paglabag sa Section 8.1 ng Securities Regulation Code (SRC).
Habang ang mga tumatayong salesman, broker, dealer o agent ng ALMAMICO o ALAMCCO ay mahaharap naman sa kasong paglabag sa Section 28 ng Securitiies Regulation Code (SRC) at pagmumultahin ng nasa P5,000,000 o kaya ay 21 taong pagkakabilanggo.
Matatandaang naglabas din ang komisyon ng kahalintulad na advisory laban sa KAPA International Ministry Inc., na sinundan ng isa pang advisory, hanggang sa naglabas na ng Cease and Desist Order (CDO) na kalaunan ay idineklarang permanent.
Ang KAPA at ALMAMICO o ALAMCCO ay parehong nag-o-operate sa Soccsksargen Region at mga kalapit na bayan.