Nakapagsilbi ang mga Securities and Exchange Commission (SEC), National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine National police (PNP) ng 24 na search warrant laban sa Kabus Padatuon (KAPA) investment group at iba pang investment scam.
Una nang tinawag ng NBI na ang KAPA o KAPA Community Ministry International Inc., ay ang biggest Ponzi scheme sa kasaysayan sa Pilipinas dahil sa aabot sa bilyon ang posibleng kinikita umano o naloloko sa mga miyembro.
Ang founder nito ay ang nagpapakilalang pastor na si Joel Apolinario.
Sa opisyal namang pahayag ng SEC, sinabi nilang naipatupad ang search warrant operation sa loob lamang ng dalawang araw.
Partikular na tinumbok ng mga operasyon ang mga tanggapan ng KAPA sa Alabel, General Santos City, Tagum City, Quezon City, Taytay, Nueva Vizcaya, Tacloban City, Cebu City, Bukidnon at Misamis Oriental, pati na ang bahay ni Kapa Founder at president Joel A. Apolinario sa General Santos City.
Tinungo rin ng mga operatiba ang tanggapan ng Rigen Marketing sa Tagum City, Ada Farm Agriventures sa Mandaue, Cebu at Ever Arm Any Marketing sa Tagum City; Organico Agribusiness Ventures Corp. sa Cebu City, Bohol, Tacloban City, Davao City, Butuan at Alabel-Maasim Small Scale Mining Cooperative (ALMAMICO)/ Alabel-Maasim Credit Cooperative (ALAMCCO) at Alabel, General Santos, maging sa Koronadal.
Ayon sa SEC, naka-recover sila ng napakaraming dokumento, pera at iba pang ebidensyang magagamit sa pagpapalakas ng kaso.
“The raiding teams were able to seize voluminous documents and cash together with other equipment and paraphernalia used by the scammers in enticing investors to invest their money with them despite not having the necessary license or permit from the SEC to engage in investment-taking and in the offering and/or selling of securities. Evidence gathered by the SEC indubitably shows that the entities were scam operators who were offering “get rich quick†schemes to the public attracted by the huge profits guaranteed to be paid for said investments,” saad ng statement mula sa SEC.
Nangako ang ahensya na masusundan pa ang mga hakbang na ito, maliban pa sa paghahain nila ng criminal charges laban sa mga sangkot sa investment scam.