-- Advertisements --

CEBU CITY – Nanawagan ang isang University of the Philippines-Diliman Professor na bumaba sa kanyang pwesto si Presidential Spokesman Atty. Salvador Panelo.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Dr. Clarita Carlos, sinabi nito na dapat nang mag-resign si Secretary Panelo dahil marami na itong pagkakamali bilang tagapagsalita ng pangulo.

Ayon kay Dr. Carlos na puro na lang trivial at pagpapatawa ang mga statement ni Panelo kaya bumaba na lang ito sa pwesto bilang tagapagsalita at maging isang komedyante na lang diumano ito.

Ngunit naniniwala ang propesor na hindi bababa sa pwesto si Panelo dahil makapal na diumano ang balat nito.

Ang pahayag na ito ng UP-Diliman Professor ay kasunod sa sinasabing referral letter ni Sec. Panelo sa Bureau of Corrections para sa executive clemency sa ‘convicted criminal’ na si dating Calauan Mayor Antonio Sanchez.

Kung maalala, naging kliyente noon ni Panelo si Sanchez.

Ipinagtaka rin ni Carlos kung bakit hanggang ngayon ay hindi pa tinanggal ni Presidente Rodrigo Duterte ang tagapagsalita nito na si Sec. Panelo sa gitna ng kinakaharap na kontrobersiya.

Giit ng nasabing propesor na sumasalamin lang ito sa ‘decision-making judgment power’ ng pangulo.