-- Advertisements --

Pinatitigil ng Securities and Exchange Commission (SEC) ang tatlo pang online lender sa umano’y iligal nitong pagpapautang.

Batay sa oder ng SEC na may petsang Enero 21, natuklasan nila na ang mga online platforms na Peso Tree, Pesoalo, at Pinoy Cash Loan ay nagpapautang sa pamamagitan ng kanilang mga websites, mobile applications, Facebook pages, at iba pang kahalintulad na media.

Ayon sa ahensya, hindi rehis­trado sa kanila ang tatlong online len­ders bilang corporation at lalong wala silang lisensiya para magnegosyo bilang lending company.

Saklaw ng kautusan ang kanilang mga ahente, kinatawan, maging ang mga may-ari ng hosting sites ng mga apps at sinumang kumikilos sa ilalim ng pangalan ng naturang mga kompanya.

Mahaharap sa kasong paglabag sa Section 4 ng Republic Act No. 9474 ang mapapatunayang mga nagkasala, at papatawan ng mula P10,000 hanggang P50,000, o pagkakakulong ng anim na buwan hanggang 10 taon.