CAGAYAN DE ORO CITY – Hinikayat ng Security and Exchange Commission (SEC) ang mga miyembro ng Kabus Padatoon (KAPA) Community Ministry International Incorporated na bilisan pa ang paghahain ng kaso sa korte.
Ito ay upang maibalik sa kanila ang capital investments na inilagay nila sa KAPA sakaling simulan na ang pagsauli nito mula sa naka-freeze na assets ng mag-asawang Joel at Reyna Apolinario.
Ganito ang kasagutan ni SEC regional director Atty. Reynato Egypto sa pahayag ni Apolinario na hindi na maibabalik pa ang investment funds ng mga KAPA members dahil na-freeze na ito ng gobyerno alinsunod sa utos ng korte.
Sinabi ni Egypto sa Bombo Radyo na paraan lamang ito upang maibaling ng KAPA victims sa gobyerno ang sisi at tuluyang mapasakanila ang milyun-milyong pondo ng pera na hindi nasasakop sa freeze order ng Anti-Money Laundering Council.
Aminado naman ang opisyal na kaunti pa lamang ang miyembro na nagsampa ng kaso laban sa mag-asawang Apolinario at iba nilang mga opisyal.
Kasalukuyang nahaharap sa kasong paglabag sa Security Regulatory Code ng SEC ang grupo ni Apolinario.