Tiniyak ng Security Exchange Commission (SEC) na ipagpapatuloy nito ang pagtalima sa global standards sa paglaban sa money laundering at pagpopondo sa terorismo.
Ginawa ni SEC Chairperson Emilio Aquino na pinakamatagal na nagsilbing miyembro ng Anti-Money Laundering Council (AMLC), ang naturang pahayag kasunod ng tuluyan ng pagkakatanggal ng Pilipinas mula sa dirty money grey list ng Financial Action Task Force (FATF).
Sa isang statement, sinabi ng global watchdog na napalakas ng Pilipinas ang pagiging epektibo ng Anti-Money Laundering and Combating the Financing of Terrorism (AML/CFT) regime para matugunan ang mga commitment nito para aksyunan ang strategic deficiencies na natukoy ng Task Force noong Hunyo 2021.
Matatandaan kasi na naisama ang Pilipinas sa Financial Action Task Force grey list noong June 2021 matapos matuklasan ang mga depekto sa kung paano pinapangasiwaan ng bansa ang pagpasok at paglabas ng hinihinalang iligal na mga pondo.
Binigyan naman ang bansa ng hanggang Enero 2023 para gawin ang mga kaukulang reporma para maalis ito sa grey list.
Noong Enero 2024 naman, ginawang prayoridad ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na maalis ang bansa mula sa grey list matapos na magpaso na ang itinakdang deadline ng isang buong taon.