LEGAZPI CITY – Kumpiyansa ang isang political analyst na malabong mangyari ang isinusulong na secession o paghihiwalay ng Mindanao mula sa Pilipinas.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Prof. Amir Solon Sison ang Chair ng Department of Political Science ng Bicol University College of Social Sciences and Philosophy, kung pag-uusapan ang ekonomiya, bagsak sa 13% ang gross domestic product na naiaambag ng Mindanao sa Pilipinas kumpara sa Manila na may 40%.
Dahil dito, sakaling matuloy ang paghihiwalay ng Mindanao sa bansa, mahaharap sa matinding hirap ang mga residente na kakaposin ng pondo para sa mga pangangailangan ng publiko.
Karamihan rin ng mga opisyales sa Mindanao ay hindi sang-ayon sa nasabing plano kasama na ang mga gobernador ng Bangsamoro Autonomous Region of Muslim Mindanao na nauna ng nagpapahayag ng suporta sa Republika ng Pilipinas.
Subalit sakaling magpumilit pa rin si dating Presidente Rodrigo Duterte at mga taga-suporta na isulong ang secession ng Mindanao maaaring ipag-utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na umaksyon ang mga pulis at sundalo upang mapigilan ang posibleng insurrection o paghihigmagsik laban sa gobyerno.