CAGAYAN DE ORO CITY- Umaasa ngayon ang Security and Exchange Comission (SEC) na lalantad pa ang maraming investors na dating pinapaniwala ng maling investment ng grupong Kabus Padatoon (KAPA) Ministry Community International Incorporated na kumilos sa Mindanao.
Ito ay mayroong kaugnayan sa nakitang probable cause ng Department of Justice (DoJ) sa mga kasong kriminal na isinampa ng National Bureau of Investigation (NBI) laban sa grupo ni KAPA founder Joel Apolinario at ibang kasamahan nito.
Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni SEC-10 regional director Atty Reynato Egypto na sa pagtuloy-tuloy na paggulong ng mga kaso ay sana lilitaw na ang ibang mga biktima ni Apolinario para maghahain ng kanilang mga reklamo.
Inihayag ni Egypto na sa unang inilabas na resolusyon ng DoJ ay patunay lamang ito na hindi nagpabaya ang SEC upang proteksyonan ang interes ng publiko na tina-target ng KAPA.
Kung maalala, inirekomenda ng DoJ ang paghain ng kasong paglabag ng Securities Regulation Code (SRC) ng SEC at paglabag ng cybercrime law ang mag-asawang Joel at Reyna Apolinario kasama sina Margie Danao, Adelfa Fernandico, Moises Mopia, Marisol Diaz at Reniones Catubigan.
Magugunitang naka-freeze lahat ang assets ng KAPA habang lahat ng mga pinakakasuhan ay nagtatago matapos mismo ipanag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na itigil ang kanilang ilegal na operasyon.