Pansamantalang ipinagpaliban ng Vatican ang ikalawang international conference kung saan makikibahagi sana si Pope Francis bunsod ng coronavirus outbreak sa buong mundo.
Ayon sa Vatican, ang pulong ng mga political, cultural, at religious leaders na lalagda rin sa “A Global Compact on Education” na idaraos sana sa Mayo 10 hanggang 17 ay inurong na lamang sa Oktubre 11 hanggang 18.
Nitong araw lamang ng Linggo, ipinagpaliban muna hanggang Nobyembre ang conference ukol sa world economy na gaganapin sana sa City of Assisi kung saan dadalo rin ang Santo Papa.
Sinabi ng mga organizers, posibleng hindi rin makabiyahe papuntang Italy ang mga kalahok dahil sa banta ng COVID-19.
Ang Italy ang bansa sa Europe na pinakamalala ang nararanasan dahil sa virus, kaya napilitan ang ilang mga airlines na bawasan o kanselahin ang mga flights palabas at papunta sa bansa. (Reuters)