Panibagong problema ang kinakaharap ngayon ng isang isla sa Japan dahil sa ikalawang wave ng coronavirus pandemic matapos ang maagang pagtatanggal ng lockdown sa naturang lugar.
Noong March 19 nang payagan ng gobyerno sa isla ng Hokkaido na muling buksan ang mga tindahan at eskwelahan.
Unang pinapurihan ang naturang isla dahil sa pagiging modelo nito na kontrolin ang pagkalat nang nakamamatay na virus ngunit makalipas lamang ang 26 araw ay muli itong nakapagtala ng 135 bagong kaso ng COVID-19.
Labis naman ang pagsisisi ni Dr. Kiyoshi Nagase, chairman ng Hokkaido Medical Association, dahil sa naturang desisyon. Aniya posible raw na baka sa susunod na taon pa maging ligtas na tanggalin ang lockdown sa isla.
Umaasa ang mga eksperto na sa pamamagitan ng kasalukuyang lagay ng Hokkaido ay matututo ang ibang bansa na pinagpa-planuhan nang luwagan ang kani-kanilang mga patakaran laban sa COVID-19.
Sa ngayon ay naging case study na ito para sa posibleng maging impact ng sakit kung kaagad aalisin ang ipinatupad na lockdown.