-- Advertisements --
SARA 2

Hindi din pinalagpas ni House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Rep. France Castro ang P2.697-billion confidential fund na alokasyon para kay Vice President Sara Duterte noong alkalde pa ito ng Davao city mula 2016 hanggang 2022.

Kaugnay nito, hiniling ng mambabatas sa Commission on Audit (COA) ang pagsasagawa ng malalimang imbestigasyon sa naturang confidential funds at idinemand ang pagbabik ng pera kapag hindi makatarungan ang confidential expenses.

Base kasi sa data mula sa taunang audit report ng COA sa dalawang termino ni VP Sara bilang alkalde noon ng Davao ay lumalabas na ang confidential fund ni Duterte ay lumobo mula sa P114 milyon noong 2016 hanggang P460 milyon nang siya ay bumaba sa puwesto noong 2022 para tumakbo sa pangalawang pinakamataas na posisyon sa bansa.

Ayon kay Rep. Castro, nangangahulugan ito na mula sa P2.697 billion sa confidential expenses nasa average na P1.235 milyon ang ginagastos sa bawat araw, sa loob ng anim na taon.

Mas malaki aniya ito kumpara sa pinakamayayamang lungsod sa bansa gaya ng Makati city at Quezon city.

Kung saan ang Makati ay naglaan ng P240 million kada taon noong 2021 at 2022 habang ang Quezon City ay gumastos ng P100 million noong 2021 at P75 million noong 2022.

Sa ngayon, wala pang inilalabas na tugon si VP Sara kaugnay sa naturang isyu.