Mas dinoble ngayon ng Secret Service ang kanilang pagbabantay matapos na makatanggap ng impormasyon sa tangkang pag-assassinate ng Iran kay dating US President Donald Trump.
Paglilinaw ng Secret Service na ang nasabing impormasyon aniya ay hindi konektado sa naunang tangkang pamamaril sa dating pangulo habang ito ay nasa campaign rally sa Pennsylvania.
Dahil sa nasabing impormasyon ay dinagdagan pa nila ang mga resources na papalibot sa dating pangulo.
Sinabihan na rin aniya nila ang kampo ni Trump na maging maingat sa pagsasagawa ng mga outdoor campaign.
Magugunitang makailang sinabi ng Iran na gaganti sila sa ginawang pagpatay kay Qasem Soleimani ang commander ng Iranian military Islamic Revolutionary Guard Corps noong Enero 2020.
Napatay ang Iranian lider matapos ang utos ni Trump noon ng drone attack habang ito ay nasa paliparan.
Mula noon ay doble ang pag-iingat ng mga naging gabinete ni Trump gaya nina dating Secretary of State Mike Pompeo at dating national security adviser ni Trump na si John Bolton.