-- Advertisements --

Posibleng maharap sa homicide investigation ang pinuno ng isang religious sect sa South Korea dahil sa ilang kaso ng pagkamatay sa kanilang bansa bunsod ng coronavirus disease (COVID-19).

Una nang hiniling ng citu government ng Seoul ang mga prosecutors na kasuhan si Lee Man-hee, founder ng Shincheonji Church, at 11 iba pa.

Inaakusahan ang mga ito na itinago raw ang pangalan ng kanilang mga miyembro, na tinutunton ng mga otoridad upang mapigilan ang pagkalat pa ng virus.

Ayon kasi sa mga otoridad, nagkahawaan ang mga miyembro ng Shincheonji sa siyudad ng Daegu noong nakaraang buwan, bago maghiwa-hiwalay ang mga ito at magtungo sa iba pang parte ng bansa.

Hinimok na rin ni Seoul Mayor Park Won-soon si Lee na akuin ang responsibilidad at makipagtulungan sa mga otoridad para mapigil ang mabilis na pagkalat ng sakit.

Sakaling hindi naman ito sumunod, katumbas aniya ito ng “murder by inaction.”

Sa pinakahuling datos, nasa 3,730 kaso na ang naitatala sa South Korea, kasama na ang 21 namatay. (BBC)