CAGAYAN DE ORO CITY – Bagamat dismayado subalit umaasa pa rin ang security cluster ng Pangulong Rodrigo Duterte na magdudulot ng positibong resulta ang kasalukuyang umiiral na unilateral ceasefire sa pagitan ng gobyerno at Communist Party of the Philippines – New People’s Army – National Democratic Front (CPP-NPA-NDF).
Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr. kahit umiiral ang unilateral ceasefire subalit nagpapakita na walang kontrol ang grupo ni CPP founder Jose Maria Sison na naglunsad ng mga pag-atake sa state forces at tumalima sa kautusan ng gobyerno sa ngalan ng holiday seasons.
Ginawa na halimbawa ng dating chief of staff ng AFP ang magkakasunod na rebel attacks sa mga sundalo sa Bicol at Western Visayas regions na ikinasawi ng ilang buhay kahit umiiral na ang unilateral ceasefire na tatagal ng 15 araw.
Inihayag ni Esperon na alam talaga nila ang tunay na kulay ng mga komunista subalit pinagbibigyan ang mga panibagong pagkakataon ng gobyerno upang makuha lamang ang inaasam na pangmatagalang kapayapaan para sa bansa.
Dagdag ng opisyal na kung siya lamang ang masusunod, hindi na nito hahayaan na mag-expire pa ang unilateral ceasefire hanggang sa makamtan ang silyado na usapang pangkapayaan ng dalawang panig.