Binawi ng Police Security and Protection Group (PSPG) ang dalawang security detail ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa sa Davao City ilang araw matapos ang pagkakaaresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Kinumpirma ni dela Rosa na pag-uwi niya ng Davao kahapon, Marso 24, ay wala na raw siyang security at pinag-report na ang mga ito sa kanilang unit.
Paglilinaw ng senador, mayroon siyang security detail sa Davao at mayroon din dito sa Maynila. Ngunit hindi tiyak ang mambabatas kung pati rito sa Maynila ay binawi na rin ng PNP.
Dagdag ni dela Rosa, walang problema sa kanya kung tanggalan siya ng security sa Davao dahil lahat ng tao sa lugar ay kaibigan siya.
Matapos mapag-alaman ng senador na binawi ang kanyang security detail, may mga nag-volunteer aniya na mga kaibigan niyang retiradong pulis at sundalo upang bigyan siya ng proteksyon habang nasa Davao.
Nilinaw naman ni dela Rosa, na nauunawaan niya kung bakit binawi ng PNP ang kanyang mga security detail.
Nag-iingat lamang din daw ang mga unit commander at hindi naman daw niya nararamdaman na ginigipit siya.