LA UNION – Higit 1,000 uniformed personnel para sa venues ng South East Asian (SEA) Games sa San Juan, La Union ang nai-deploy na ayon sa mga opisyal ng lalawigan.
Ayon kay Lt Col. Silverio Ordinado Jr., spokesperson ng La Union Police Provincial Office, matapos ang isinagawang send off ceremony ay agad na pumwesto ang mga tauhan ng Philippine National Police, Philippine Army, Bureau of Fire Protection at Disaster Risk Reduction and Management Council na siyang magbabantay sa paligid ng surfing area.
Pinuri naman ni B/Gen. Rey Lyndon Lawas, Security Task Force Commander ng 30th South East Asian Games, ang kahandaan ng mga otoridad sa lalawigan.
Tiniyak naman ni Lawas na magagabayan ng mabuti ang mga delgado ng SEA Games habang hinihintay ang pagsisimula ng paligsahan at nawiwili sila sa pamamasyal sa lalawigan.
Nagpaalala naman ang opisyal sa mga motorista na mas mainam na dumaan sa alternate route lalo na kung wala namang sasadyain ang mga ito sa surfing site upang hindi maantala ang kanilang biyahe.
Samantala, nabatid naman mula sa organizing committee ng SEA Games na wala pa silang naririnig na hinaing ng mga delegadong maagang nagpunta sa venue at kontento umano ang mga ito sa paghahanda.
Kasalukuyang isinasaayos na rin ang mga shades, entablado at mga equipments na magsisilbing station ng mga hurado ng surfing competition.
Abala rin sa pagsasanay ang mga ibang surfers sa dalampasigan at pinag-aaralan ang galaw ng alon.