BACOLOD CITY – Tiniyak ng Police Regional Office (PRO-6) na dadagdagan ang pwersa ng pulis na naka-deploy sa Moises Padilla, Negros Occidental kasunod ng brutal na pagpatay kina Councilor Michael Garcia at tiyuhin nitong dating punong barangay nitong nakalipas na Huwebes ng tanghali.
Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay PRO-6 director Brig. Gen. John Bulalacao, kinondena nito ang pag-ambush sa convoy nina Vice Mayor Ella Celestina Garcia-Yulo sa Hacienda Dresden, Barangay Inolingan.
Naniniwala si Bulalacao na politically-motivated ang insidente at tiniyak nitong tututukan ng kapulisan ang grupo na responsable rito.
Umaasa rin ang director na hindi matatagalan matutukoy din ang mastermind sa ambush dahil mayroon nang persons of interest sa ngayon.
Dahil nasa red category ang Moises Padilla sa mga election hot spot areas ngayong nalalapit ang halalan, aminado si Bulalacao na dapat bigyang atensyon ang peace and order sa lugar.
Ayon pa sa PNP official, kailangang dagdagan ang pulis dahil hindi lang presensya ng New People’s Army ang problema kundi ang serye ng mga pagpaslang.
Nabatid na dalawa na ang incumbent councilors na pinatay sa Moises Padilla.
Noong Marso 31, pinatay din si Councilor Jolomar Hilario sa kanilang mismong bahay sa Barangay Inolingan.