-- Advertisements --

NAGA CITY – Patay ang isang security guard matapos na pagbabarilin sa labas ng kanilang bahay sa Barangay Cawayan, Libmanan, Camarines Sur.

Kinilala ang biktima na si Jerry Espiritu, 43, residente ng Barangay Taban, sa nasabing bayan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay S/Sgt. Emyrose Organis, tagapagsalita ng Libmanan Municpal Police Station, sinabi nito na nakatanggap na lamang umano sila ng report mula sa live-in partner ng biktima na kinilalang si Imelda Enriquez, hinggil sa nasabing insidente.

Ayon pa kay Organis, habang nakatayo ang biktima sa labas ng kanilang bahay ng bigla na lamang itong pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang gunman.

Dahil sa nasabing insidente, nagtamo ng tama ng bala ng baril sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan ang biktima na naging dahilan ng agaran nitong pagkamatay.

Pinaniniwalaan din umano na hindi lamang iisa ang may kagagawan ng krimen.

Sa ngayon, patuloy pa ring inaalam ng mga otoridad ang motibo sa nasabing pamamaril gayundin ang posibleng pagkakakilanlan ng mga suspek.