-- Advertisements --

LAOAG CITY – Patay ang isang security guard matapos tagain at pagsasaksakin ng kainuman sa Brgy. Columbia, Vintar.

Ayon kay PCapt. Manuel Ordonio, hepe ng Philippine National Police Vintar matagal ng magkakilala ang biktima na si Constante Ramos y Cirilo Jr., isang security guard sa Ilocos Norte College of Arts and Trades dito sa lungsod ng Laoag at tubo ng Ilocos Sur at ang suspek na si Mark Mendoza y Aceret, 38-anyos at residente sa nasabing barangay.

Sinabi ni Ordonio na sa kanilang isinagawang imbestigasyon, nag-iinuman ang suspect at ang biktima kasama ng dalawang iba pa.

Aniya, walang pagtatalo na nangyari sa pagitan ng dalawa ngunit sa pagpapaalam ni Ramos kay Mendoza para umuwi ay pumasok ito sa kanilang bahay at ng bumalik ay may dalang pantabas na siyang itinaga ng dalawang beses sa ulo ng biktima.

Dagdag ni Ordonio na maliban dito ay kumuha pa ng maliit na bolo ang suspek at sinaksak ng limang beses si Medoza.

Ayon sa hepe, matapos ang pagpaslang sa biktima ay nagtungo ang suspek sa Brgy.Cabisuculan sa bayan parin ng Vintar.

Inilahad nito na agad na naisagawa ang paghahanap sa suspek ngunit ng matunton ang kabundukan na pinagtaguan nito ay wala na itong buhay matapos magbigti sa ilalim ng puno.

Una rito, ipinaalam ni Ordonio na maniningil sana ng utang ang biktima ngunit nayaya itong uminom hanggang sa nangyari ang insidente.

Dagdag ng hepe na sa ngayon ay inaalam pa kung may civil case na pwedeng maipila kontra sa namatay na suspek para makakuha ng tulong ang pamilya ng namatay na biktima.