-- Advertisements --

LAOAG CITY – Isang palaisipan para sa mga kasapi ng Badoc Municipal Police Station ang pagkamanatay ng isang security guard matapos pinagbabaril ng riding-in-tandem sa Brgy. Sta. Cruz, Badoc, Ilocos Norte.

Nakilala ang biktima na si Sherwin Dumadag, 23-anyos, may asawa at residente ng Brgy. Aring ng nasabing bayan.

Sa panayam kay Police Capt. Joseph Tayaban, hepe ng PNP Badoc, umanoy isang mio motorcycle ang ginamit na sasakyan ng mga hindi pa nakikilalang suspek sa pagpatay sa biktima kahapon.

Aniya, sa isinagawang dragnet operation, may isang tao na nakasakay sa isang mio motorcycle na nagmula sa Batac City at papunta sa Sinait, Ilocos Sur dahilan upang itinuring nila itong person of interest sa krimen.

Ngunit sinabi ni Tayaban na buluntaryo namang sumama sa mga otoridad ang indibidual at paliwanag nito ay nangagaling sa kanyang trabaho.

Sa ngayon ay tinitignan pa ng mga otoridad ang posibleng video footage kung saan nanggaling ang mga suspek at kung saan sila nagtungo matapos ang krimen.

Unang narekober ng mga otoridad ang dalawang kapsula at deformed slug ng kalibre 45 na baril sa pinangyarihan ng krimen.

Nagtamo naman ang biktima ng maraming tama sa kanyang dibdib na dahilan ng kanyang agarang kamatayan.