KALIBO, Aklan – Papaimbestigahan ng Aklan provincial board ang pagkakaroon ang security lapses ng mga jail guards ng Aklan Rehabilitation Center (ARC) matapos ang sunud-sunod na pagtakas ng mga bilanggo.
Sa reklamong ipinarating ng Bombo Radyo kay Aklan 1st District Board Member Harry Sucgang, sinabi nitong natalakay na ng provincial board ang naturang usapin at na-refer na sa Committee on Peace and Order na pinamumunuan ni 1st District Board Member Nemesio Neron.
Layunin ng imbestigasyon na ito na matukoy kung bakit nakatakas ang mga preso at para na rin makagawa ng mga hakbang upang hindi na maulit pa pangyayaring ito.
Nabatid na hanggang sa ngayon ay nagpapatuloy ang manhunt operation sa inmate na si Igmedio “Butchoy” Tropa, residente ng Brgy. Agbalogo, Makato, Aklan na nahaharap sa kasong double murder matapos matakasan ang jail escort noong nakaraang linggo sa Batangas port.
Una rito, nakatakas na sa kulungan ang bilanggo na si JR Ruiz.
Tumalon ito sa kongkretong bakod ng bilangguan noong Setyembre 21 sa kalagitnaan ng isinagawang religious activity noong mga panahon na iyon.
Matapos ang isang linggong paghahanap, nahuli si Ruiz na nahaharap sa kasong rape sa Brgy. Cabayugan, Malinao.