Plantsado na ang ipapatupad na security measures ng PNP at AFP para sa nalalapit na 2019 midterm elections.
Ito’y matapos ang isinagawang high tri-level meeting ng militar, pulisya, at Commission on Elections (Comelec).
Ang nasabing pulong ay dinaluhan nina PNP chief Gen. Oscar Albayalde, AFP chief Gen. Benjamin Madrigal at Comelec Chairman Sheriff Abbas.
Dumalo din sa nasabing pulong ang mga area commanders kasama ang mga ground commanders ng PNP.
Ayon kay Madrigal, kanilang inayos ang mga latag ng seguridad para matiyak na maging maayos, mapayapa at kapani-paniwala ang national at local election.
Magsasanib-puwersa ang militar at pulisya para masiguro na malakas ang ugnayan ng militar at pulisya.
Sisiguraduhin din daw nila na walang magsasagawa ng pananabotahe lalo na ang mga tinaguriang “peace spoilers.”
Sa ngayon, nagpapatuloy ang umiiral na gun ban, pinalakas din ng PNP ang kanilang kampanya laban sa loose firearms at anti-criminality campaign.
Para naman kay Abbas, kuntento raw siya sa latag ng seguridad.
Sinabi ni Abbas, sa kaniyang assessment at batay sa ibinigay na security briefing, “manageable” ang security sa buong bansa.
Umapela naman ang AFP sa publiko na maging alerto at makipag ugnayan kaagad sa mga otoridad kung may mga napapansin silang kakaiba sa kanilang lugar.