-- Advertisements --

All-set na ang security measures na ipatutupad ng Philippine National Police (PNP) sa pagsisimula ng campaign period ngayong araw, Pebrero 12 para sa national level.

Ito ang tiniyak ni PNP Chief Oscar Albayalde kasabay ng pagsabi na patuloy na bina-validate ng PNP ang kanilang listahan ng election hotspots.

Ayon kay Albayalde, tumaas sa orihinal na bilang na pito ang mga itinuturing na election hotspots o critical areas, batay na rin sa mga bagong parameters na itinakda ng Commission on Elections (Comelec).

Patuloy rin aniya ang pakikipag-ugnayan ng PNP sa AFP at sa Comelec para matiyak na magiging mapayapa at maayos ang campaign period.

Sinabi ni Albayalde nakalatag na rin ang deployment ng mga police personnel sa kanilang security plan at ang mga detalye na lamang ang inaayos sa ngayon.

Dagdag pa ni PNP chief na sa mga lugar kung saan idinaos ang katatapos lamang na BOL plebiscite, may iniwang mga “stay behind forces” ang PNP para matiyak na walang post-voting violence.