Mahigpit ang direktiba ni PNP chief Gen. Debold Sinas sa mga ground commanders sa Mindanao, higpitan ang kanilang seguridad para maiwasan at mapigilan ang anumang planong pag-atake ng mga teroristang grupo.
Kahapon personal na nagtungo sa Maguindanao si Sinas para alamin ang sitwasyon sa Datu Piang, natukoy na rin ng PNP ang mga lugar na vulnerable sa pag-atake ng BIFF kaya dinagdagan ang pwersa ng mga pulis at maging ang kanilang mga armas ay dinagdagan din.
Inatasan ni Sinas ang mga ground commanders na maging alerto at paigtingin ang kanilang target hardening measures para mapigilan ang kahalintulad na insidente sa Datu Piang.
Nais ni PNP chief palakasin ang kanilang community integrated defense plan at magsagawa ng simulation exercises upang masiguro na maayos ang koordinasyon lalo na sa kanilang counterpart ang AFP at maging sa local government officials.
Kinumpirma naman ni PNP chief na tatlong grupo ng teroristang BIFF sa pangunguna ni Commander Bungos ang nagtangkang lusubin ang mismong poblacion ng Datu Piang.
Pero dahil nakahanda at malakas ang firepower ng mga pulis nagawa nitong paatrasin ang mga kalaban.
Nais din ni Sinas na paigtingin din ang police visibility, maging ang kanilang intelligence sharing and monitoring sa kanilang AFP counterpart.
Pansamantala namang ni-relieve muna sa kaniyang pwesto si Capt. Israel Bayona ang chief of police ng Datu Piang upang bigyang daan ang isinasagawang imbestigasyon.
Isinailalim din sa stress debriefing ang mga pulis ng Datu Piang na nasangkot sa sagupaan.
Samantala, gumugulong na ang imbestigasyon ng binuong Board of Inquiry (BOI) ng PNP para imbestigahan ang Datu Piang attack.
Layon ng pagbuo ng BOI ay upang mabatid kung nagkaroon ng intelligence and operational lapses sa hanay ng mga pulis dahilan para salakayin ng teroristang BIFF ang bayan ng Datu Piang sa Maguindanao na naging dahilan sa pagsunog ng kanilang brand new PNP patrol car.
Ayon kay DIDM at BOI chief M/Gen. Marni Marcos, kasalukuyang kino-collate na nila ang mga nakuha nilang impromasyon hinggil sa insidente.
Sinabi ni Marcos na nakatakda sana nilang isumite ang BOI report kay Sinas sa December 9, 2020 pero dahil hindi pa tapos ang kanilang imbestigasyon at report kaya humingi ito ng ilang araw pa na palugit.
Sa ngayon ina-analyze pa ng BOI investigators kung ano ang motibo sa ginawang pagsalakay ng BIFF sa pangunguna ni Commander Bungos.