-- Advertisements --

Inilabas na ng PNP-SOSIA (Philippine National Police – Supervisory Office for Security and Investigation Agencies) ang kanilang initial findings kaugnay sa pag-atake sa Resorts World Manila (RWM) na ikinasawi ng 37 katao habang 54 ang sugatan.

Batay sa isinagawang imbestigasyon ng PNP-SOSIA, nakitaan nila na kulang sa guwardiya sa graveyard shift ang nasabing casino resort, walang command and control o crisis management team na nagko-coordinate ng perimeter security at in-house security, at walang reactionary force na naka-standby para rumesponde sa anumang sitwasyon.

Sinabi ni PNP-SOSIA Chief, S/Supt. Jose Mario Espino na kahit may initial findings na sila ay magpapatuloy pa rin ang kanilang pagsisiyasat sa NC lanting security agency na siyang security provider ng Resorts World Manila.

Ang malagim na insidente sa RWM ay maaari nang gawing leksyon para sa ibang security agencies.

Pumalya kasi ang naturang security provider na pigilan ang pagpasok sa casino ng nag-iisang gunman na nagpaputok at nanunog bago magpakamatay.

Aniya gagawing patakaran na ng SOSIA na hindi dapat binabawasan ang bilang ng mga guwardiya sa night shift lalo na kung 24 hours ang operation ng isang establisyamento.

Dapat din adw ipatupad ang buddy-system sa anumang security plan, para laging may alalay sa pagresponde sa anumang sitwasyon at hindi panghinaan ng loob.

Pinaka-importante aniya ay dapat praktisado ang mga sekyu at mabilis na maipatupad ang security plan kung kaya’t gagawin nang requirement sa security agencies ang pagsasagawa ng quarterly drills.

Kahapon pinulong ng PNP ang iba’t ibang private security managers para talakayin ang mga pagbabagong kailangang ipatupad sa seguridad ng mga commercial establishments kasunod ng malagim na kaganapan sa Resorts World Manila.