-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Tiniyak ngayon ng Philippine Military Academy (PMA) ang seguridad sa nakatakdang pag-iisang-dibdib nina Olympic Gold medalist Hidilyn Diaz at coach-boyfriend nito na si Julius Naranjo sa St. Ignatius Chapel ng akademya dito sa siyudad ng Baguio sa Hulyo 26, 2022.

Sa panayam ng Bombo Radyo Baguio kay LTC Mark Anthony Ruelos, information officer ng PMA, bukas pa rin ang akademya para sa mga turista sa umaga sa nasabing araw dahil alas tres pa ng hapon isasagawa ang wedding ceremony.

Sa kabila nito, sinabi nito na magiging mahigpit ang kanilang pagbabantay dahil inaasahan ang pagdating ng mga bigating personalidad.
Sinabi pa nito na mahigpit na maipatutupad ang health protocols at kailangang magpakita ng vaccination card ang mga bisita.

Kaya naman, dagdag ni LTC Ruelos na lilimitahan ang bilang ng tao sa loob ng St. Ignatius Chapel para matiyak ang pagpapatupad ng health protocols.
Gayun man, sinabi nito na maari rin silang maglagay ng tent sa labas ng simbahan para sa mga bisita na hindi makakapasok dito.

Samantala, sinabi ng opisyal na 38 ang inisyal na bilang ng principal sponsors na naipagbigay-alam sa kanila pero beniberipika pa ng mga ito kung lahat ng mga ito ay makakadalo.

Kasama dito sina Sen. Manny Pacquiao, dating Vice President Leni Robredo, Philippine Olympic Committee President Abraham “Bambol” Tolentino, beauty doctor Vicki Belo, celebrity couple Ryan Agoncillo at Judy Ann Santos-Agoncillo, at iba pa.

Magsisilbing matron of honor at bridesmaid naman sina actresses Angel Locsin at Iza Calzado habang groomsman naman si broadcast journalist Atom Araullo.

Ipinaliwanag pa ng opisyal na marami na rin ang nagsagawa ng kanilang wedding ceremony sa loob ng akademya ngunit hindi lahat ng nagnanais ay napagbigbigyan dahil may prioridad umano ang mga ito.

Ayon pa sa opisyal, hindi bukas ang nasabing okasyon sa media dahil nais ng couple na maging pribado ang kanilang espesyal na araw.