-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Mas hinigpitan ngayon ng PNP ang seguridad sa pamilya Matinong lalo na ang bagong alkalde ng Sto. Nino, South Cotabato matapos ang pag-aaligid umano ng ilang mga kahina-hinalang mga indibidwal.

Ito’y ilang araw matapos na manumpa si Mayor Sulpicio Villalobos matapos pinaslang ng riding-in-tandem suspect si Mayor Pablo Matinong Jr.

Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Sto. Nino Municipal Administrator Jofrey Frenal, nakatanggap sila ng ilang impormasyon na may iilan umanong katao na nakasakay sa motorsiklo na nagtatanong kung saan nakatira si Mayor Villalobos.

Inamin din nito na nababahala na rin at natatakot ang alkalde dahil dito, kung kaya’t mas hinigpitan ang seguridad nito sa pamamagitan ng police escort at security convoy kung saan man ito pupunta.

Nananawagan naman ito sa mga mamamayan na i-report sa kapulisan ang anumang impormasyon na makakatulong upang mapabilis ang kaso sa pagpatay kay Mayor Matinong.