-- Advertisements --
Maguindanao Massacre
Maguindanao massacre at Sitio Masalay, Brgy. Ampatuan

KORONADAL CITY – Mas hinigpitan na ngayon ang seguridad ng mga pamilya ng biktima ng Maguindanao massacre case na nakatakdang dumalo sa promulgation ng kaso sa Taguig City.

Ito ang inamin ni Atty Nena Santos, isa sa mga private prosecutors sa kaso sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal.

Ayon kay Atty Santos, unti-unti nang nagsisidatingan na ang mga pamilya ng mga biktima sa itinuturing na “worst election-related violence” sa kasaysayan ng bansa at pinakamalalang pag-atake sa media, para sa ibababang hatol sa kaso sa Disyembre 19, 2019.

Gayunman, hindi nya na idenetalye pa ng aboagda ang ibang plano dahil sa isyung pangseguridad.

Ito ay bunsod na patuloy pa rin ang natatanggap na pagbabanta sa buhay ng ilang mga pamilya.

Kabilang na umano sa mga ito ay ang tangkang panunuhulan upang iurong ang kaso.

Sa kabila nito, ipinahayag ni Santos na handang-handa na ang mga pamilya ng mga biktima na marining ang desisyon ng korte laban sa mga akusado lalong lalo na sa mga prime suspects na Ampatuan.

Malakas pa rin ang kanyang paniniwala na papanig sa mga biktima ang timbangan ng hustisya dahil sa mga testigo at ebidensya kanilang iprinesinta.

Sa ngayon, panalangin ang syang nagiging sandata ng mga pamilya ng nasabing massacre case upang makamit ang hustisya na halos isang dekada na nilang hinihintay.

Matatandaang ipinasiguro ng PNP ang mahigpit na seguridad sa loob ng Camp Bagong Diwa sa Taguig City para sa promulgation ng kaso.

Kung maaalala umaabot sa 58 ang pinatay sa karumal-dumal na krimen at 32 sa mga ito ay mga media practitioners.