-- Advertisements --

Dinagdagan pa ngayon ang security detail para kay  dating Pangulong Noynoy Aquino matapos magbanta ang National Democratic Front (NDF) na “ipapaaresto” dahil sa umano’y  marahas na Kidapawan incident na ikinasawi ng dalawang magsasaka at ikinasugat ng maraming iba pa.

Sinabi ni AFP spokesperson B/Gen. Restituto Padilla na bagamat may mga protective security details pa ang dating pangulo, sa kanilang pagkakaalam ay dinagdagan pa ito ng pambansang pulisya.

Dahil dito nakahanda ang AFP na makipag-kooperasyon sa PNP at iba pang law enforcement agencies para sa kailangang seguridad ng dating pangulo.

Pahayag pa ni Padilla, kahit police matter ngunit sakaling hilingin sa kanila na magtalaga ng tauhan para bantayan ang dating pangulo ay walang problema.

Sa ngayon wala pang request sa AFP na magde-deploy ng dagdag na sundalo para bantayan si Aquino.

Samantala, nanindigan si Padilla na hindi dapat kilalanin ang utos ng NDF laban kay Aquino at iba pang opisyal ng pamahalaan kaugnay ng Kidapawan incident dahil hindi naman ito korte kaya’t anumang iutos nito ay iligal.

Binigyang-diin ng heneral na sa ilalim ng Republika ng Pilipinas tanging ang mga kinikilalang korte aniya ng bansa ang dapat lamang kilalanin.

Una nang nagsabi ang mga kumunista na dapat isailalim daw sa pagdinig ng people’s court si Aquino at ilan pang lokal na opisyal, bagay na kinontra naman ng Palasyo.

Inanunsyo ng Kumunistang grupo na kanilang “kinasuhan” sina Aquino, North Cotabato Gov. Emmylou Taliño-Mendoza, Kidapawan City Mayor Joseph Evangelista, North Cotabato Representative Nancy Catamco, at ilan pang Government of the Republic of the Philippines (GRP) civilian personalities, military at police officials kaugnay sa nasabing insidente.

Binigyan diin naman ni Presidential Spokesperson Ernesto Abella, mayroon lamang iisang gobyerno at justice system sa bansa.

“We only have one government and one justice system in the Philippines. Only the appropriate body can rule on the issue of the violent dispersal of farmers in Kidapawan.”

“Be that as it may, security measures are in place to guarantee the protection of the former President and other personalities mentioned by the announcement of the National Democratic Front,” ani Abella.