Nagkasundo ang Pilipinas, Malaysia at Indonesia na magtatag ng maritime command centers para tugunan ang problemang kinakaharap sa boundary ng tatlong bansa.
Resulta ito ng isinagawang pagpupulong ng tatlong bansa na tinawag na Trilateral Cooperative Agreement (TCA) na idinaos sa Penang, Malaysia.
Ayon kay Western Mindanao Command (WestMinCom) Chief, Lt. Gen. Cirilito Sobejana, layon ng nasabing pagpupulong ay para palakasin pa ang security posture sa tri-boundary at malutas ang mga krimen na nangyayari sa karagatan ng tatlong bansa.
Sinabi ni Sobejana, dito kasi nangyayari ang mga insidente ng hijacking, piracy, smuggling, human trafficking lalo na ang kidnapping.
“Meron kaming tinatawag na area of maritime interest, so gusto namin i-address yung piracy, kidnapping, smuggling and human trafficking,” ani Sobejana.
Ipinagmalaki naman ni Sobejana na nagkasundo ang tatlong bansa para magkaroon ng iisang mindset para malutas ang problema sa tri-boundary.
Sinabi ni Sobejana bawat bansa ay magtatatag ng tig-isang maritime command center at may kinatawan mula sa kasaping nasyon.
Sa parte ng Pilipinas ang maritime command center na itatatag ay matatagpuan sa Brgy. Bato-Bato, Panglima Sugala sa Tawi-Tawi.
Naniniwala kasi si Sobejana na mas mapalakas pa ang information sharing kapag may ganitong set-up.
Bukod sa maritime command center, magkakaroon din ng reaction unit ang bawat bansa na aaksiyon kaagad sa sandaling may mga insidente.
“Meron din kaming immediate reaction unit to address any incidents that requires the attention of either of the three countries, kung sino yung in proximity to the incident yun ang mag responde, yung dalawa will provide support ,” anang heneral.
Kabilang sa mga napagkasunduan ng tatlong bansa ang pagkakaroon ng synchronized naval patrol, port visitation, trilateral or bilateral naval exercise.