-- Advertisements --
Zamora Elem in person classes
photo courtesy: MC

Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na plantsado na ang seguridad para sa pilot implementation ng face-to-face classes sa National Capital Region (NCR) bukas, December 6.

PNP face to face Dec 6

Ayon kay PNP Chief, Police General Dionardo Carlos, mayroon silang listahan ng mga kasaling paaralan kung saan aasahan ang deployment ng kanilang mga police personnel.

“The resumption of the face-to-face learning setup is not new anymore for us since other schools have already started this last November. We just have to follow the template and remind our police personnel to strictly limit themselves from going inside school premises unless there is a request for security assistance,” saad ng PNP chief.

Kasabay nito ay muling nagpaalala ang PNP sa mga estudyante gayundin sa mga magulang at iba pang bantay na sundin ang minimum health protocols gaya ng paghuhugas ng kamay at lalo na ang pagsusuot ng facemask.

Una nang naiulat na karagdagan pang 177 paaralan kabilang na ang 28 pampublikong paaralan sa Metro Manila, ang sasali sa pilot run ng face-to-face classes sa nasabing petsa.

Ito ay bukod pa sa 118 eskuwelahan na nauna nang inaprubahan ng Department of Education para sa limited face-to-face classes noong Nobyembre.

Sa NCR, tig-dalawang paaralan ito na mula sa Manila, Quezon City, Caloocan City, Mandaluyong City, Marikina City, Muntinlupa City, Navotas City, Parañaque City, Pasig City, Taguig City, Valenzuela City, at Las Piñas City.

Tig-isang paaralan naman ang manggagaling sa mga lungsod ng San Juan, Pasay, Malabon at Makati.

Ang pilot testing ng in-person classes ay sinimulan noong Nobyembre 15 pero sa ilang piling lugar lamang sa bansa sa gitna ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) pandemic.

Sa 118 na paaralan na pinayagan noong Nobyembre para sa pilot implementation ng face-to-face classes, 100 dito ay pampublikong paaralan habang 18 naman ang private schools.

Ang mga ito ay matatagpuan sa mga lugar na maituturing na low risk o mababa lamang ang kaso ng COVID-19.